Written by: Czarina Paula R. Real
Palagi mo bang naririnig ang kasabihang “Health is Wealth”? Simpleng kasabihan ngunit may malalim na kahulugan. Ang pag-gunita sa Nutrition Month ay nakatutulong upang ipaalala sa atin na tayo ay dapat manatiling malusog at masigla. “Kumain ng wasto at maging aktibo, push natin ‘to!” Iyan ang tema ngayong taon. Isang tema na maaaring makapagpabago ng iyong pananaw tungkol sa kalusugan.
Ang pag-kain ng tama ay magreresulta sa magandang kinabukasan. “Live your life to the fullest” ika nga nila. Pero paano mo ito makakamit kung pagiging aktibo at malusog ay ‘di mo magawa? Kung sa bagay, sino nga ba ang may gusto ng hindi malusog na pamumuhay?
Aminin na natin ang totoo, kung minsan ay hindi kanais-nais ang lasa ng mga masusustansiyang pagkain kung kaya’t mas ginugusto natin ang mga pagkaing masarap ngunit may banta sa kalusugan o mas kilala bilang ‘Deadly foods’. Ngunit dapat itong isantabi at kumain ng masusustansiyang pagkain.
Pag-eehersisyo ay isa ring paraan tungo sa masiglang buhay. Ngunit dahil sa init ng panahon ay marami ang hindi ginaganahang mag-ehersisyo. Isa ring dahilan ay ang kawalan ng oras. At ang pinakamalalang dahilan, katamaran. Ang hindi nila alam ay ang simpleng pag-eehersisyo ang magdadala sa kanila sa aktibo at masiglang buhay.
Ang pagkakaroon ng Healthy Lifestyle ay isang mahalagang bagay na dapat taglayin ng sinuman, bata man o matanda. Tayo ay may mga misyon at hangarin sa buhay na dapat isakatuparan kung kaya’t binigyan tayo ng Diyos ng katawan na dapat alagaan at paunlarin. Ikaw, anong pipiliin mo? Healthy foods o Deadly foods? Siguradong hindi mo pipiliin ang bagay na may masamang dulot sa iyong kalusugan. Ang kalusugan ang ating ‘Investment for future’, kung kaya’t mula ngayon, umpisahan na natin ang pagbabago na magdadala sa atin sa buhay na malusog at aktibo.
Comments